Wednesday, January 27, 2010

ang kultura ng teknolohiya sa kabataan

Isang Pagsusuri ng Kultura ng Blog sa Kabataang Pilipino

ni Celeni Kristine G. Guinto

INTRODUKSYON

Ang Kultura ng Teknolohiya sa Kabataan Ngayon

Malaki ang ginagampanan ng teknolohiya sa paghabi ng kultura, lalo na sa kabataan. Ang kulturang popular ay nakabatay sa pagdisimina ng iba’t ibang bagay gamit ang isang midyum. Hindi natin maikakaila na ang Internet ay isang penomena na naging kaakibat ng isang makabagong kultura. Hindi siguro akalain ni Tim Burners-Lee kung gaano kalaki ang kanyang magiging kontribusyon sa pandaigdigang lipunan noong naimbento niya ang World Wide Web. Labingdalawang taon na ang nakakaraan at marami nang sistema ang napalaganap sa Internet, mga iba’t ibang nakakagawian ng mga kabataan ngayon. Wala na ang mga araw kung saan sila’y maghapong nakatutok sa telebisyon o nagsisitambayan sa kalsada. Nabawasan na rin ang kanilang paggagala kung saan-saan at dumadalas ang pagkulong sa kwarto. Ano ang ginagawa ng tipikal na teenager na biniyayaan ng kompyuter at ng Internet connection?

Unang nauso ang e-mail. Pinaikling salitang “electronic mail,” ang e-mail ay isang rebolusyon sa pagpapadala ng liham. Masasabing mas may silbi ito sa mga propesyonal na nangangailangan ng mga dokumento ng mabilisan, nakagihasnan na rin ng kabataan ang paggamit ng e-mail para sa forwarded e-mail na dati ay kilala bilang mga chain letters na pinapaseroks pa kung siniseryoso. Nandiyan rin ang mga signature campaigns, at pakikipag-chikahan sa mga kaibigan na dumayo na sa malalayong lugar. Dati, tamad ang kabataan na bumisita sa mga post office, halos wala sigurong kikitain ang mga kartero sa market na ito. Ngunit ngayon, sila’y nagpapalitan ng diwa at mga kaisipan via e-mail. Pero alam natin na hindi matiyaga ang mga kabataan. Kung gusto nila ng makakausap, gusto nila na doon at doon rin. Kaya’t mabuting naimbento ang IRC at IM.

Ang Internet Relay Chat (IRC) ay isang sistema kung saan ang mga manggagamit (user) ay makakapagkausap sa katakot-takot na iba pang manggagamit na naka-Online sa panahong din iyon. Nahihiwalay sa iba’t ibang channels na nakabatay na rin sa interes mo at kung ano ang gusto mong pag-usapan. Iba’t iba ang paraan ng klasipikasyon. Dito nagiging interaktibo ang pakikipanayam ng paggamit sa Internet, at kadalasan, dito nagkakakilala ang mga taong hindi naman talaga magkakilala sa totoong buhay. Marami diyan ang tumutuloy sa seryosong relasyon at nagpapakasal dahil sa pagkakakilanlan sa isang chatroom. Hindi lamang ito isang kwento na nangyayari sa “You’ve Got Mail,” na nasabi sa isang pag-aaral na pinamagatan Cyberlove (De Luna, 2001). Sa kasalukuyan, nawawala na sa uso ang IRC, at dumadalas na ang paggamit sa Instant Messaging (IM). Usong-uso ngayon ang paggamit ng Yahoo! Messenger (Y!M), na halos lahat na siguro ng kabataan ay napalitan na ang pangalan nila ng kani-kanilang Yahoo! Usernames. Marami diyan ang nagsasagawa ng block meeting na lang sa Y!M, o kaya’t naglalaro ng mga Online na laro laban sa isa’t isa. Kasabay ng pag-usbong ng kultura ng pag-text, ang IM ay naging isang mas mabilis na pakikipagtalastasan gamit ang mga salitang pasulat sa mga taong nakikilala natin sa totoong buhay. Ngunit hindi makakaila na marami rin ang mga hindi magkakilala na nagkakakilanlan sa Y!M.

Dumako naman tayo sa kinalolokohan talaga ng lahat ng tao ngayon. Tila wala na yatang tao sa Pilipinas na walang Friendster account. Sa ngayon, tinatayang may isang milyong Pilipino ang merong Friendster account. Ayon kay Joe Hurd, bise presidente ng Friendster para sa internasyonal, nagsimula ang popularidad sa San Francisco Bay Area kung saan marami ang mga Pilipino. At doon nagsimula ang pagkauso ng buong sambayanan sa Friendster. Dahil dito, naiba ang marketing strategy ng mga Amerikanong nagmamay-ari ng Friendster. Dahil hindi masyadong kumikita ang mga Online advertisement, at alam nilang mas madalas ang gamit ng mga tao sa Pilipinas ng kanilang selepono (cellphone), sa Pilipinas nagkaroon ng unang mobile service ang Friendster. Ngayon, halos lahat pa rin ng tao sa Friendster ay mga Pilipino, at nauuso na rin ang blog feature sa Friendster.

Pahapyaw na Pagtinggin sa Kasaysayan ng Blog

Kaya’t ngayon ay dumako naman tayo sa tunay ng introduksyon nitong pagsusuri. Ano ba itong salitang blog? Mula sa pinaiksing web log, ang blog ay isang Online journal kung saan ang isang manggagamit (tinatawag din na blogger) ay malayang magsulat ng kahit anong ninanais niya tungkol sa mga bagay-bagay na nasakanyang mga alapaap ng karanasan. Hindi masabi kung saan talaga nagsimula ang blog. Kung titingnan sa pinaka konsepto ng blog, kung saan ang personal na pagmumuni-muni tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kani-kanilang mundo, lalo na sa pulitika, si Samuel Pepys ng Inglatera ang masasabing unang “blogger.” Nauso ang pagsusulat sa diary nung ika-17 siglo kasabay ng pag-usbong ng literatura, murang papel, at pinataas na pagkakilanlan sa sarili (heightened self-awareness). Si Samuel Pepys ang unang nagsulat na parang isang tipikal na blogger ngayon. Nagbigay siya ng mga personal na kritisismo sa mga nangyayari sa kanyang paligid tungkol sa pulitika, at naging repleksyon na rin ito ng kanyang mga karanasan. Meron itong katangian na pagiging “self-glorious.” Taliwas sa pagkapubliko ng mga blog ngayon, ang mga sinulat ni Pepys ay nalathala lamang at nabasa ng madla ng siya ay namatay.

Balik tayo sa panahon ngayon. Unang nauso ang mga “blog” sa mga komisyonadong gumawa ng mga commercial websites. Sila ang tinaguriang una sa mga html geeks, at ang kanilang blog ang pang-ensayo nila ng kanilang mga coding skills. Kaugnay na rin sa kanilang trabaho sa umaga, gumawa sila ng mga websites na personal kung saan nandoon nakapaloob ang mga halo-halong palaisipan at komentaryo sa mga bagay-bagay.

Noong December 1997 unang pinagalanan ni John Barger ang mga website na ito bilang “web log.” Mayamaya’y tinawag naman ni Peter Merholz ito ng pinaikling salitang “blog” at tinawag niya ang editor ng mga blog na ito bilang isang “blogger.”

Natapos na rin ang pagkaeksklusibo ng blog para sa mga html geeks noong 1999. Nitong taon na ito umusbong ang Blogger (http://www.blogger.com) at LiveJournal (http://www.livejournal.com), mga website na tumutlong sa isang ordinaryong tao na gumawa ng kanilang sariling website para sa kung saan man ang gusto nilang i-blog. Tinawag ang mga ito bilang “personal publishing tools” dahil hindi na nangangailangan ng ispesyal na mga kaalaman para makagawa ng mga web logs. Napadali na ang lahat, kaya’t ang isa pang katawagan sa mga blogging platforms na ito ay “push-button publishing tools.” Hanggang ngayon, malawakan ang mga gumagamit sa mga website na ito, at libu-libo ang gumagawa ng mga bagong account para sumama sa bandwagon ng mga merong blogs.

Ngunit dahil lang ba sa pagkauso nito naakit ang mga tao, lalo na ang kabataang Pilipino, para mag-blog? Tila hindi lamang pagkauso ang dahilan mismo. Malamang ay meron pang kaakibat ang pagkauso ng blog. Maganda ring usisain kung bakit naiiba ang blogging sa iba pang Internet trends dito sa Pilipinas. At kung saan talaga pumapasok ang mga distinktong katangian ng mga kabataang Pilipino noon at ngayon, at kung saan papasok ang blog sa ebolusyon ng mga kabataan ngayon.

TESIS NA PANGUNGUSAP

Isang pag-aaral ng mga tipikal na mga blog entries ng kabataan ngayon at ang mga katangian ng tipikal na teenager na blogger.

SULIRANIN

Paano nakaka-apekto sa social, filial, at emotional dynamics ng kabataan ang kanilang mga web logs o blogs?

SARBEY NG KAUGNAY NA PAG-AARAL

A. Ang Computer-Mediated Communication Systems

Bago na-imbento ang mass media, nakadepende sa mga haka-haka, kuro-kuro at kung anu-ano pang walang batayan ang mga tao para sa impormasyon. Matagal ang proseso ng paglathala ng mga libro, at hindi nagtagal naimbento na rin ang newsprinting. Sa pagsilang ng mga diyaryo, napabilis na rin ang pagkalat ng balita, ngunit limitado ang espasyo ng mga diyaryo para sa mga tunay na manunulat at ang mga tinaguriang maglathala ng mga pangyayari sa lokal na setting. ‘Di naglaon, nang umusbong ang paggamit ng iba’t ibang teknolohiya para sa komunikasyon (na kakatwa ay nagmula sa mga teknolohiyang militante), nauso ang radyo at telebisyon, dalawa sa pinakarebolusyonaryong midyum na pang masa.

Si Harold Laswell (1948) ay nagkaroon ng isang modelo ng komunikasyon. Isa ito sa unang mga modelo para sa komunikasyon. Meron ditong limang mahahalagang elemento. Una ay kung sino ang magpapahayag ng mensahe (Communicator), tapos kung ano ang kanyang mensahe (Message), pangatlo ay sa papaanong paraan (Medium), pagkatapos ay kung para kanino (Receiver), at kung ano ang magiging epekto (Effect). Ibinatay niya sa tatlong premiso ng lipunan ang kanyang modelo, ayon sa surveillance, correlation, at transmission. Ito raw ang nagpapatatatag sa lipunan at kinakailang ng epektibong sistema ng komunikasyon para ito ay mangyari.

Kung susuriin mabuti, ang radyo at telebisyon nga ay napalawak ang tagatanggap ng mga mensahe na nanggagaling sa pamahalaan, o sa industriya, ngunit kulang pa rin ang mekanismo ng feedback. Mahalaga sa mga sistema ng komunikasyon ang mga reaksyon at ang kaagyat na epekto nito sa manonood o tagapagpakinig. Ngunit malamang, hindi naman lahat ay magkakaroon ng ganang makipag-labanan sa linya ng telepono para lang maipahayag ang kani-kanilang mga reaksyon. Naging limitado para sa mga Receivers na ibalik ang kanilang pagproseso sa kaalamang napulot nila sa midya. Kaya’t unti-unting nangangailangan ng midyum na makakapaghandog ng isang sistema na hindi hahadlang dito.

Dito na papasok ang Computer Mediated Communications (CMC). Ang CMC ay may abilidad na gayahin ang isang Face-to-face (FTF) society. Tinuturing ang CMC bilang isang birtwal na kalawakan (virtual space), at ayon sa pagpapangalan ni William Gibson sa kanyang akdang Neuromancer (1984), isang cyberspace. Isa itong espasyo kung saan narereplika ang mga kaganapan sa reyalidad. Ang Internet kung sa gayon, ay naging isang portal ng komunikasyon.

Ayon sa mga pag-aaral nila Rheingold, Thompson at Fernback, dalawang klasipikasyon para sa CMC. Una ay ang Asynchronus, tulad ng mga message boards at e-mail, kung saan nagkakaroon ng time delay ang mga pag-uusap. Kasalungat naman ng Asynchronus ay ang Synchronus CMC, kung saan narereplika ang real time responses. Halos magkasingtulad na ito ng pag-uusap sa tunay na buhay, sobrang liit na lamang siguro ng marginal errors sa pagkatotoo ng oras na maaring dahil sa Internet connection speed. Dahil dito, masasabing ang Computer Mediated Communication ay alternatibo sa mga kumbensyonal na face-to-face interactions.

Ayon sa Virtual Ethnography ni Christine Hine (2000), ang Internet ngayon ay nagiging isang rebolusyonaryong sistema ng pamamahagi ng impormasyon. Ang material form na dating natatagpuan sa mga prints ay nag-a-assume na ng virtual form. Maliit pa lamang ang pangunawang kultural sa mga porma ng impormasyong ito kaya’t hindi pa gaanong suportado o kasing-kapanipaniwala ang impormasyon.

Ngunit maari rin namang sabihin ang taliwas. Dahil sa efficiency ng Internet sa pamamahagi ng malaking array ng impormasyon, ang isang tao ay nabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng maraming reference at hanguin ang katotohanan para sa kanyang sarili. Hindi na siya limitado sa mga kanonisadong mga aklat, at makakakuha ng real time na impormasyon.

Ang mga teyorista ng post-modernismo ay nagsasaad na ang modernismo ay napapasailalim na ng isang krises. Mabubuwag na ito dahil meron ng umusbong na panibagong organisasyon ng buhay panlipunan. At kung tunay nga na mamamayani ang epektibong sistema ng CMC, maaring mawala na rin ang mga pag-aalinlangan sa pagkamakatotohanan (authenticity), representasyon, at realidad. Ayon kay Poster (1995), nabubura na ang mga naghihiwalay sa pagitan ng mga tao at mga makina, ang mga linyang humihiwalay sa realidad at sa bertwalidad.

Sa patnugot pa rin ni Hine, sinuri rin niya ang simulain ng CMC. Sinabi niya na ito ay isang magandang tagpuan sa palitang pang-kultural (cultural exchange) dahil nabubura nito ang mga limitasyong dala ng heograpikal na mga kalagayan. Isang kompyuter lang ang kailangan at konektado na ang Pilipinas sa Aprika o sa Europa. Masasabing noong panahon pa lamang ng e-mail ay hindi pa rin maihahantulad sa mga situasyon na FTF, ngunit sa status ngayon ng synchronus computer mediated-communication, nababawasan na ang mga discrepancy sa pagitan ng virtual at real communication.

Sa isang pag-aaral ni Sproull and Keisler (1986) ang naging unang pag-aaral na naging patunay sa konklusyon ni Hine na ang Internet ay isang kultural na artifact. Sa kanilang sinaunang pag-aaral sa Computer Mediated Communication, sa larangan ng sikolohiyang panlipunan, nagkaroon sila ng dalawang grupo. Ang isa ay nasa isang tradisyonal na pook-trabahuhan (workplace), at isa ay nilagay sa isang sistemang may CMC. Napnsin nila na mas naging produktibo ang gumagamit ng CMC. Pantay-pantay naman ang pag papartisipa ng mga kasapi sa parehong grupo ngunit mas agresibo sa pagpapatibay ng kanilang mga saloobin at ideya yung mga gumagamit ng CMC. Inugat nila ito sa pagkakaroon ng “disinhibiting” na epekto para sa mga gumagamit ng CMC. Dahil nabawasan na ang mga “social cues,” hindi na nangangailangan ng mga particular na kumbensyon dahil hindi na humahatol sa kanilang paggawa ang kanilang pagkatao (identity). Kung mapapansin, meron pa ring mga karaingan ang mga may kulay, mga kababaihan, sa mga pook-trabahuhan ngayon. Dahil sa anonymity at faceless interactions sa Internet, hindi na namamayag ang mga sitwasyong nakakailang para sa ilang tao. Napatotoo na ang mga katagang “trabaho lang, walang personalan.”

Ano naman ang pinagkaiba ng mga sitwasyon sa cyberspace kung ikukumpara sa totoong buhay (In Real Life o IRL)? Makikita natin na mataas ang anonymity sa Internet. Hindi mo kinakailangang magkabit ng pagkakakilanlan o isang identidad. Ngunit hindi rin mapagkakait na meron ding namamanaog na pagbuo na cultural identities at self-identities sa cyberculture.

Ang komunikasyon ay may batayan din ng pagkakakilanlan ng mga kasapi sa kani-kanilang mga sarili. Kung titingnan nga natin muli ang pagkakakilanlan sa cyberculture, sinasabi ni Bell (2001) na nagkakaroon ng projeksyon at presentasyon ng sarili sa Internet. Ayon kay Cheung (2000), nagkakaroon ng isang konstruksyon ng sarili gamit ang personal homepage. Nagiging bahagi ito sa pagtrato ng Internet bilang isang cultural na artifact.

Ang isang website na binuo para sa sarili, na ngayon ay kinikilala bilang isang “blog,” at ang pinakamalaking isyu sa papel nito, ay isang website na ginagawa ng indibidwal mismo. Nagiging isang repleksibong pagprepresenta at pagkukwento ng sarili ang nangyayari. Ito ay biglang nabibigyang kahulugan ng midyum na ginagamit, at sa isang ideya ng imagined audience.

Ayon kay Benedict Anderson sa kanyang Imagined Communities (2001), ang pagkakaroon ng pagkaka-isa sa isang ideya o idiyolohiya ay nagiging batayan sa pagkakaroon ng mga komunidad na ito. Kaya para sa isang gumagawa ng isang personal na webpage, langawin man ang kanyang website, ay meron pa rin siyang isang ideya ng isang mambabasa sa batayan na meron at merong makaka-relate sa kanyang pagbuo ng sarili na naganap sa website. Dahil na rin sa isang imagined audience, kahit na sinasabi ng mga indibidwal na kanilang totoong sarili ang kanilang binubuo, meron pa ring nagaganap na self-censoring o tailoring. Merong iba na meron ng tinatawag na “virtual alter-egos.” Ang istilo ng komunikasyon ay maaring hindi nagkakalayo sa istilo ng komunikasyon ng kanilang real-life ego, ngunit meron pa ring self-conscious articulation of that tailor-made self-identity.

Ang identidad Online ay kadalasan binibigyan kahulugan ng kulay (race), kasarian (gender), sekswalidad (sexuality) at income class. Wala masyadong pagtatalakay at mga pag-aaral na nagawa sa race, ngunit kung tutuusin, lalong nawawala ang inter-racial conflict dahil malamang hindi naman na kaagad isinisiayat na makita ang indibidwal sa kanyang pamamahayag via CMC systems. Kung titingnan naman natin ang gender issues, makikita natin na ang mga CMC ay nagiging bagong espasyo para sa mga kababaihan. Meron ng mga movement na tinatawag na “cyberfeminism.” Kinatutuwa na ng mga peminista ang pagusbong ng Internet bilang isang midyum na nag-e-empower sa kanila at ang kanilang mga pakay. Papasok na rin dito ang gay and lesbian concerns. Ang Internet ay nakakatulong sa pag-lobby ng mga ninanais na karapatan. Dahil sa mga CMC, nagiging mas demokratiko ang paglalaban ng mga taong ito.

Tulad sa realidad, nagkakaroon ng class distinctions sa CMC. Ngunit medyo naiiba ito. Malamang, ang isang obyus na pagbabahagi ay yung mga nasa gitna at mataas lang na poder ng lipunan ang mayroong Internet access. Bihira naman ata ang mga nakatira sa ilalim ng tulay na merong Internet access. Ngunit merong isang kakaibang social architecture din at pagkakaiba sa isang kinikilala bilang “digital economy.” Nasa pinakataas nito ang kinikilalang mga digital elite. Tinatawag din bilang information user, ang mga taong may kaalaman at kakayahan na manipulahin at ukitin ang information superhighway na ito. Susunod sa klaseng ito ay ang mga “digital shoppers” o ang information used. Sila ang gumagamit ng mga ginagawa ng mga digital elites, at ang primary consumers ng mga produkto na nabebenta sa Internet. Meron silang akses sa CMC, ngunit nasa pagkaawa pa rin sila ng mga digital elite ang kanilang nalalaman. Huli sa mga klaseng ito ay ang digital underclass. Sila ay ang mga “off-line” users. Sila ang walang access sa CMC, kaya’t sila ang nasa pinakailalim.

Kung titingnan natin, ang CMC ay rebolusyonaryo sa pamamalakad ng mga buhay ng iba’t ibang tao sa lipunan. Mahirap ng isipin ngayon ang buhay na walang mga kompyuter, at sinong magaakala na ang isang bagay na ginawa para sa paggawa ng aretmitika ay siya ring bagay na huhubog sa komunikasyon?

B. Ang Katangian ng Pamilyang Pilipino at mga Pilipinong Teenager

Ang pag-aaral na ito ay hindi lamang tungkol sa pag-usbong ng blog bilang isang bahagi ng rebolusyon ng CMC sa Pilipinas. Maganda rin tingnan ang background ng pamilyang Pilipino at ang paghimay ng katauhan ng isang teenager.

Ayon kay Susan Dumedres (1993), ang mga pamilyang Pilipino, tulad ng karamihan sa Asya, ay pumipigil sa indibdwalisasyon dahil sa pagkakamalapit ng mga magkakamag-anak (o ang tinatawag na close family ties). Ang mga bata ay parating tumitingin sa kanilang mga magulang bilang batayan ng paghubong ng kanilang sarili. Kung ikukumpura sa mga kanluranin na katumbas (counterparts), mas dumedepende ang mga kabataang Pilipino sa kanilang mga magulang dahil madalas ay ang mga magulang mismo ay may matataas na ekspektasyon sa kani-kanilang mga anak. Kanonisado na sa maraming akda ang pag-asa ng mga magulang sa kanilang mga anak na makapagtapos ng pag-aaral para maiahon ang buong pamilya sa kahirapan. Nandyan din ang pag-asa ng mga magulang na sumunod sa kanilang mga yapak ang kanilang mga anak. Dahil dito, mahirap ang pag-forge ng self-identity ng mga kabataang Pilipino dahil nasanay na sila sa kultural na pandidikta ng kanilang mga magulang sa kanilang dapat gawin, dapat asalin.

Nagkaroon sila G. Mendez at Jocano ng isang intensibong pag-aaral ng mga kabataang Pilipino sa parehong rural at urban na setting noong 1979. Ikinumpara nila ang mga general na trends ng mga kabataan sa kanilang pakikisama sa kanilang mga pamilya. Ayon sa kanilang hypothesis, ang pamilya, bilang isang basic na yunit ng lipunan ay ang humahawak sa emosyonal at sosyal na aspekto ng buhay ng mga taong ito, ay nakakatulong sa pag-express ng mga saloobin ng kabataan, kung ang “emotional climate” sa tahanan ay “stable.” So hindi na sakop ng mga sinabi ni Dumredes ang lahat ng pamilyang Pilipino. Wala naman talagang mga bagay na dapat tingnan in absolute terms. Pero yun nga, kung ang emotional climate naman ay nakakapamandag sa mga kabataan, nagdadala ng takot at kakulangan sa kalayaan, hindi na sila nagiging progresibo at nawawalang ganang ipahayag ang kani-kanilang mga sarili.

Naiiba rin talaga ang kabataang Pilipino sa mga kanluranin. Para sa mga kanluranin, ang kabataan ay parating nagrerebelde, pasaway sa kanilang mga magulang, kritiko, at walang utang na loob. Ngunit kabalintunaan na marami sa mga kabataan ngayon ay payag naman sa pagka-strikto ng kanilang mga magulang. Yun lang, talagang nakagisnan na na mas liberal ang pagtrato sa mga kalalakihan at mas pinapayagan silang magliawaliw kung ikukumpara sa mga kababaihan. So nandyan ang mga limitasyon sa kabataang babae dala na rin ng mga hamak ng lipunan at pagka-patriarchal ng lipunan.

Isa pa sa mga unang iniisip ng kabataan ay wala silang pakialam sa mga sinasabi o pangangaral ng kanilang mga magulang. Ngunit karamihan pa rin ng Pilipinong mga magulang ay nakikipagtalastasan ng matino sa kanilang mga anak. Masasabing mas malaki ang atensyon na binibigay ng mga magulang na nasa mga rural na pook kung ikukumpara sa mga nasa urbanisadong lugar, ngunit hindi naman gaanong kalala ang pader na pumipigil sa mga magulang at kanilang mga anak.

Subalit ayon sa isang pag-aaral ng McCann-Erickson Philippines noong 1993, sa mga panahon ngayon (kung ikukumpara sa panahon na ginawa ang pag-aaral nila Mendez at Jocano), mas mataas na ang lebel ng parental absenteeism. Ang mga magulang ay nagiging career-oriented o kaya’t abala sa pamamalakad ng kabahayan (household management), kaya’t hindi na masyadong nabibigyan ng buong pansin ang kani-kanilang mga anak. Nasanay na tuloy ang kabataan sa isang independent na inquiry, at umaasa na rin sa kanyang mga kaibigan at sa midya para sa patnubay at awtoridad. Kahit papaano, meron pa rin namang ginagampanan ang mga magulang, ngunit nagiging hati nga ito, dahil marami sa kanila ay umaasa na lang sa iba’t ibang mga sistema dahil iba na nga naman ang panahon. Maraming sa mga kabataan na nasasanay naman sa ganito, basta hindi hati ang pamilya, dahil halos lahat rin siguro ng kanilang mga kaibigan ay may mga sitwasyon na ganoon na nga. Andun ang kanilang magulang, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon.

Ngunit paano nga ba talaga makipagtalastasan ang mga kabataan kung pinapangaralan sila ng kanilang mga magulang? Ang unang hinala ay ang kabataan ay napapaloob sa kultura ng dedma, hindi na lang nila kikibuin ang kanilang mga magulang. Nasa kultura naman talaga natin ang hindi pag-sagot sa likod ng ating mga magulang, o maging palaban o agresibo sa tono o pagbigkas ng mga rason kung bakit sila “nagkakasala” sa kanilang mga magulang dahil pinapangaralan ito bilang bastos at hindi kanais-nais. Kaya sa pag-aaral ni Mendez at Jocano, napag-alaman nila na ang karamihan ng kabataan ay nakikipag-rason na lang at matinong nakikipagtalastasan sa kanilang mga magulang. Ang dahilan nila ay wala naman silang mapapala sa pagmumukmok kung meron naman talaga silang lehitimong rason kung bakit nila nagawa ang isang bagay. Wala ring magagawa ang pagdadabog at pagsisigawan dahil lalo lamang itong mapapagulo ang mga bagay-bagay. Ngunit kung babalikan natin ang pag-aaral ng McCann-Erickson, hindi na masyadong ebidente ang mga bagay na ito ngayon dahil kadalasan, maiksi na lamang ang pagtutuligsaan ng mga magulang, mas meron na silang kaalaman sa parenting psychology, at ang kanilang mga pangangaral ay may “tantamount repercussions” na hindi na limitado sa mga tradisyonal na mga parusa tulad ng pamamalo o pagkukulong lamang sa bahay. Ngayon, napakaraming mga bagay na naka-depende ang mga buhay ng kabataan, tulad ng panonood ng telebisyon, pagkakaroon ng akses sa Internet, at pakikipag-text sa mga kaibigan, nakagisnan na ng mga magulang na kompiskahin ang mga pribelehiyong ito kapag nagiging pasaway ang kanilang mga anak. Ang reaksyon kadalasan ng mga kabataan ay tumahimik na lamang at magreklamo sa kanilang mga kaibigan.

Ngayong natalakay na ang carrot-and-stick dynamics at ang sistema ng pangangaral ng mga magulang, tingnan naman natin kung ano ang ginagampanan ng mga kaibigan ng mga teenager sa status quo. Kadalasan, ang mga magulang ay walang problema kung makipagkaibigan ang kanilang mga anak sa mga kasing-kasarian ng kanilang mga anak. Ang kutob na ito ay mas madalas na nangyayari sa mga batang babae, kaysa sa mga lalake. Mas gusto ng mga magulang na ang kanilang mga nagdadalagang anak ay wag munang makihalubilo sa mga kalalakihan sa mga perenyal na takot na dala na rin ng makamandag na lipunan. Kung gayon, dala na rin ito sa natural na proteksyonismo sa mga kababaihan dahil na rin siguro sa patriatikong lipunan na ginagalawan natin.

Nagiging “frustrated” ang mga kabataan sa iba’t ibang mga rason, maaring sa mga nabanggit sa taas, lalo na’t kung sa palagay nila ay hindi sila naiintindihan ng kanilang mga magulang. Paano nga ba ang coping mechanism sa pagharap sa kanilang mga problema ito? Naklaklasipika ito sa dalawang uri: ang verbal at ang non-verbal. Sa verbal, dito naglalabas ng galit sa paraang pasalita. Maaring pagkinakausap ay lumalaban ito ng salita, o sa ekstremong mga sitwasyon, ay nagmumura. Pwede rin namang pasulat maglabas ng galit, isa na atang bahagi ng buhay ng lahat ng tao ang magtago ng diary, at ang kabataan ay ginagawa itong daan para mailabas ang kanilang mga sama ng loob, pwedeng sa pagsusulat ng kung ano mismo ang kanilang saloobin o kaya naman patula o sa malikhaing pamamaraan. Minsan pa nga ay ang mga tulang nagagawa dala ng galit ay napupunta sa mga literary portfolio ng kani-kanilang publications sa paaralan. Ang isa namang paraan ng paglalabas ng galit, non-verbal, ay hetong mga paraan kung saan kinikimkim nila ang kanilang mga saloobin, o kaya naman ay tumitingin ng masama, o umiiyak, itong mga ito ay pamamaraan kung saan kahit walang salita ay napapahayag ng mga kabataan ang kanilang sama ng loob sa mundo

Sa ika-limang kabanata ng pag-aaral nina G. Mendez at Jocano, pinag-aralan nilang masmabuti ang pakikipagkaibigan at ang status ng kanilang pakikisama at kung ano ang mga pinag-uusapan ng mga kabataan. Ang mga kabataan daw ngayon ay optimistiko sa pagtitiwala sa sarili. Marami sa kanila ang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang klase ng tao sa pagdalo sa mga salu-salo o mga party. Sa kasalukuyan, nauuso na rin ang pagdalo sa mga concert, panonood ng madalas ng sine, at iba pang mga gawaing kinababarkadahaan.

Kung titingnan naman ang perspektibo ng kabataan sa mga sensitibong isyu tulad ng sekswalidad, ang lipunan ngayon ay pinapanormal na ang mga ganitong isyu. Ang pagtrato sa isyu na ito ay tila kasual na lamang, ngunit ang kanilang primary source pa rin ay ang midya at ang kanilang mga kaibigan, hindi ang kanilang mga magulang. Ngunit kahit dito, mataas pa rin ang pagtingin ng kabataan sa chastity at naniniwala pa rin sa kabanalan ng sakramento ng kasal.

Hindi naman nawawalan talaga ng moralidad ang mga kabataan, hindi tulad ng popular na perspektibo ng madla na karamihan ng mga kabataan ay namamayanig na mga rebelde at lahat ng bawal ay gagawin. Maaring minsan ay may mga sitwasyon na nagiging rebelde ang mga kabataan at nariyan ang pakiramdam na ang buong mundo ay laban sa nag-iisang tao. Ngunit kakaunti lang naman talaga ang mga pagkakaroon ng delinkwente o “social deviance” sa mga ekspektasyon ng kabataan sa lipunan. Ayon sa pag-aaral na ginawa sa Kentucky ni Ball (1962), meron naman talagang bahid ng pagkarebelde (mild rebelliousness) at natural na pagka-aktibo ng kabataan, ngunit ang mga sukdulang pagkakataon na gumagawa na sila ng mga maliliit na krimen, ay pili lamang. Sa kanilang pag-aanalisa, kadalasan sa mga ito ay parehas lang naman ang mga IQ sa mga taong hindi pasaway, ngunit mas madalas sila ang pumapalpak sa mga gawaing pang-paaralan. Kadalasan sa mga pasaway ay galing sa mga hati ang pamilya o kaya naman ay yung galing sa mababang socio-economic class. Maaring ang mga teenager na ito ay yung hindi masyadong nababantayan ang paghubog ng kanilang mga pag-aasal at naiiwan na lang sa pagpapatnubay ng midya at impluwensya ng barkada (na sa kanilang sitwasyon, ay malamang masama). Sila ay nalululong sa mga bisyong, hindi kadalasan naman ay pinageeksperimentohan talaga ng maraming kabataan tulad ng paninigarilyo, paglalasing, o pagsubok ng masasamang droga. Sa mga ilang pagkakataon, hindi naman talaga ito dala ng kakulangan ng atensyon ng pamilya, kundi ang mga bisyong ito ay nasa-pamilya na rin talaga. Kung ang mga magulang ng isang teenager ay mga alcoholic at mayroong bar sa bahay o madalang na supply ng alcohol, asahan na rin na magiging alcoholic ang batang iyan. Ang tolerance sa pamilya o ang kaalaman na ginawa rin ng kanilang mga magulang iyon ay nagpapadali sa mga kabataan na maimpluwensyahan ng mga kabarkada.

Mahirap ipaghiwalay at kritikuhin ang teenager na wala sa konteksto ng pamilya, ngunit sa bahaging ito, titingnan naman natin ang panunuri ng ilang mga kritiko sa komplikadong katauhan ng mga teenager. Unang-una, ano nga ba itong “adolescence?” Kilala ito sa ating bansa siguro bilang pagbibinata o pagdadalaga. Ayon sa mga opisyal na depenisyon, ang adolescence ay ang bahagi ng buhay ng tao na napapagitna sa pagkabata (childhood) at pagiging matanda (adulthood). Sinasabi ni Offer (1998) na nagsisimula ito sa onset ng puberty at nagwawakas kung nakatanggap na ng kasarinlang ang idibidwal sa kanyang mga magulang. Ito ang panahon ng pagdagsa ng iba’t-ibang mga pagbabago sa pisyological na kalagayan ng tao. Nagkakaroon na ng secondary sex characteristics. Bukod sa mga pagbabagong pisikal, ang yugtong ito ay mas emosyonal at sikolohikal ang mga epekto. Dito na nagdadagsa ang “maturation” o pagiging mas ma-konsensya ng indibidwal. Ayon kay Rogers (1962) ang adolescendce ay ang panahon kung saan ang indibidwal ay naghahanap ang intelektwal na kasarinlan at naghahanda para sa isang career. Kung sa gayon, mahalaga ang konsepto ng sarili, at paghahanap ng isang pagkakakilanlan sa sarili. Ang ideya ng isang “identity crisis” ay pinapasukan ng ilang mga kabataan. Ito ang panahon kung saan hindi nila makilala ang depenisyon ng kanilang mga sarili, at kung sino nga ba talaga ang mapagkakatiwalaan nila. Kadalasan ay ang depenisyon ng sarili ay hinahanap nila sa iba’t-ibang taong nagiimpluwensya sa kanila. Dahil dito, namumulat ang isang idibidwal sa iba’t ibang uri ng tao, iba’t ibang uri ng personalidad at ang tanong na kung “ano ba talaga ang gusto mo sa buhay?” ay madalas na naiisip. Sa panahon ding ito papasok ang isang indibidwal sa kolehiyo, ang lebel ng edukasyon na sa unang pagkakataon, nagiging spesyalisado na ang mga pinag-aaralan ng isang indibidwal. Maaring ito ang maging momentum para porsegihan ang paghahanap sa tunay na pagkakilanlan sa sarili.

Ngunit ang pagtugon sa katanungan ng identity ang hindi lamang pangangailangan ng mga teenager. Sa ika-limang kabanata ng akda ni Fleming (1948), inilista niya ang lima sa pinakamahalagang pangangailangan ng mga kabataan sa pagtugon sa kanyang pagdalo sa mundo ng mga matatanda. Una sa mga pangangailangan na ito ay ang pangangailangan na matanggap ng lipunan. Marami sigurong matatanda na hahatol sa mga kabataan bilang mga abersyon sa “normal” at katangatanggap sa lipunan dahil sa kabataang subkultura tulad ng “goth” o “punk,” ngunit hindi iyan ang itinutukoy na pagtanggap ng lipunan. Diyan na papasok ang pangangailangan ng mga kaibigan, o matanggap ng kanilang immediate peers. Paulit-ulit ng nabanggit sa papel na ito ang kahalagahan ng mga kaibigan, at sa panahong ito sinsimulan na ng isang indibidwal ang pagbuo ng kanyang personal social network. At nagagawa ito sa pakikihalubilo sa mga kapwa nila kabataan ayon sa iba’t ibang interes na napapaloob sa iba’t ibang subkultura na naayon kadalasan sa kabataan. Dito na rin papasok ang mga iba’t ibang gawain ng mga kabataan bukod sa pagpasok sa kani-kanilang mga paaralan. Nandyan ang pagpunta sa mall kung saan pwede silang manood ng sine o kaya naman mag window shop kasama ng mga kaibigan, o mag-bowling. Naryan din ang pagkahilig sa mga gawaing pangatletiko o pampalakasan, kundi naman ay pagtugtog ng instrumentong pang-musika. Kung hindi kaya, eh di panonood na lamang ng mga manlalaro ng kanilang mga paboritong sports team, o kaya naman pagsuporta sa paburito nilang banda. Patok rin ang mga gawaing pang-arte at literatura tulad ng masinig na pagsusulat, pagbabasa, potograpiya at iba pang mga kasanayang panlibangan. Mahilig din nilang ipagpatuloy ang tradisyon ng pakikipagsosyalan sa pamamagitan ng mga party at iba pang similar na salu-salo.

Pangalawa sa mahahalagang pangangailangan ng kabataan ay ang mga pagkakataon na makapagbigay at makatanggap. Dito na papasok ang pagbuo ng mga personal na relasyon sa mga tao sa kanyang paligid. Ito ang yugto ng buhay ng mga kabataan kung saan una nilang mararanasan ang pagnanasa na magkaroon ng panghabangbuhay na kasama o “partner.” Kaya’t nagiging natural ang pagkakaroon ng pakiramdam na paghanga at mga bahid ng pag-ibig. Nadadalas na rin ang pagpapakita ng tenderness o mga pamamahayag ng paggiliw. Nagiging mas maunawain na rin sila sa pagkakaiba ng mga babae at lalake, at nakikita kung ano ang dapat pagpasalamatan sa iba’t iba pang mga taong mahalaga sa buhay nila. Ang pagdagsa ng mga unang pagkakataon para maging involved romantically ang mga indibidwal na ito ay isa sa mga pinakakomplikadong bagay sa pagiging teenager. Nandyan na ang mga pakiramdam na hindi nila maunawaan o matuntunan. Dahil dito, babalik na naman tayo sa unang pangangailangan na pagtanggap sa lipunan, lalong nangangailang ng mga “karamay” sa mga bagong bagay na nararamdaman at nararanasan ng mga teenager na ito.

Pangatlo naman ay ang pangangailangan na matuto ng mga bagong bagay. Mahilig makipagsapalaran ang mga kabataan at handa silang harapin ang kahit anong mga bagong karansan. Kung tutuusin, ito ang yugto ng kanilang buhay kung saan pinaka-gamay na nilang pag-eksperimentuhan ang kanilang mga sarili, para matugunan ang tanong tungkol sa sarili. Dahil dito, ang mga kabataan ay nahihilig na sa pagsubok ng iba’t ibang mga gawain, tulad ng pagakyat ng bundok, pagtugtog ng gitara, pagsayaw ng cha-cha, o kaya naman magsulat ng isang maikling kwento. Ang pagkatuto ng iba’t ibang mga gawaing ito ay makakatulong sa paghanap kung ano nga talaga ang angkop at kinasisiyahan ng isang indibidwal na gawin. Para ba sa kanya ang “fashion design” dahil natutuhan niyang gumuhit ng maayos at natural na mahilig siyang mamili ng mga damit? Ang mga hobby na ito ay pwede rin isama sa kanilang mga Friendster profile at yun ang magiging basehan ng mga ilang searcher na mahilig rin gawin ang bagay na iyon. At dahil doon, buong puso at galak na pinapahintulutan ng kanilang mga magulang na kumuha ng mga extra-curricular na aktibidades ang mga kabataan basta’t kaya ng bulsa at hindi makakahamak sa pagtamo ng magagandang marka sa paaralan.

Ang paaralan ay ang pinakamagandang segue para sa ika-apat na pinakamahalagang pangangailangan ng kabataan, ang paghahanap sa bagong kaalaman. Tulad ng pagnanasa sa mga bagay na gusto nilang matutunan, gusto rin ng mga teenager na palawakin ang kanilang mga kaalaman. Nagkakaroon na sila ng mga pilosopikal na pagtanaw sa buhay, at mas napapabuti ang pagintindi ng kanilang mga relihyon kung sila nga ay napapaloob sa isang relihyon. Nagiging mas matanong ang mga kabataan, hindi lamang tungkol sa kanilang mga sarili, kundi tungkol na rin sa mga bagay-bagay na napapaligid sa kanila. Higit sa lahat, hindi na lamang mga bagay na pinag-aaralan sa paaralan ang nais nilang pag-aralan. Mas nagiging analitiko sila sa mga kaganapang sa sosyo-puliktikal, at kadalasan hindi mawawala na bigkasin ng isang kabataan ang kanyang mga saloobin tungkol sa mga mahahalagang usapin. Kaya nga dito sa pamantasan, tila malahigante ang pagtulak na ang mga taga-UP dapat ang pumorsige ng mga mobilisasyon. Na dapat tayo ang unang magkaisa para sa kapakanan ng bayan. Kung babalikan ang ideya ng pagpapalawak ng kaalaman, dito papasok ang “intellectual maturity” na isa sa mga hangarin ng kabataan sa pagpasok niya sa adolescence. Hindi na uso ang pagiging mangmang, at wala sa kulturang Pilipino na magmaang-maangan. Mulat ang mga kabataan at nauuhaw siya para sa kaalaman dahil alam niyang sa kanyang pagtatanong, may mga sagot na magbubuo ng kanyang pagkatao at mas maganda kung makakapagpabuti rin ito ng lipunan.

Huli sa mga pinakamahalagang pangangailangan ng kabataan ngayon ay yung pagkakataon na magkaroon na magkaroon ng mga responsibilidad. Kakatwang isipin dahil madalas, alam ng marami ay tamad ang mga kabataan, ngunit ninanais rin siya na mabigyan ng mga responsibilidad. Isa ito sa pinakamahalagang pagpapakita ng maturity, sa paggawa ng mga gawain na kadalasan ay gawain na ng mga matatanda. Noong bata sila, maaring inuutusan sila sa iba’t ibang gawaing pambahay, ngunit ibang lebel na ang ninanais nilang gawin. Hindi lang simpleng mga gawaing pambahay kundi mga komplikadong bagay tulad ng pagdeposito ng pera ng pamilya sa bangko, pagmamaneho para sa mga nakakabatang kapatid, at iba pa. Maaring ang mga nais nilang responsibilidad ay ang sa paaralan. Madalang ang mga kabataang ganito, ngunit kadalasan, nagiging angkop na lugar ang paaralan para magpakita ng mga katangian ng isang mabuting mamumuno at magandang sukatan ng responsibilidad dahil sa maraming mga gawaing pang-akademiko na iniiwan sa kabataan ngayon. Sa pagtutugon sa mga responsibilidad na napapataw sa kanila, nakakagisnan nila ang kanilang mga kalakasan at kahinaan.

Sa isa namang pag-aaral ni Feldman at Eliot (1990), naitala nila ang “developmental goals” ng mga kanluranin. Una na dito ang pagbuo ng behavioral at emotional autonomy. Pangalawa ay ang pakikitungo sa pagusbong ng sekswalidad. Ikatlo ay ang pagkakaroon ng mga interpersonal skills para makipag-ugnayan sa mga kaibigan nilang kasing kasarian o kaya naman yung iba na galing sa kasalungat na kasarian. Ikaapat ang paghubong ng edukasyon at iba pang mga kaalaman na adult work-related, at huli, ay ang pagresobla ng mga isyung kinahaharap ng pagkakakilala sa sarili at moralidad. Ang limang ito ay ang nagpapaiksi ng talakayan tungkol sa isang adolescent in general.

Hindi kalayuan ang mga kabataan Pilipino diyan. Ang naiba na lang siguro sa western template ay ang sociocultural influences. Ayon sa pag-aaral ni Peña, ang imahen ng kabataan dito sa Pilipinas ay tumutugma sa template ng mga kabataan na kanluran.

Hindi maiiwasan na marami sa pagkakaiba ng pagbibigay kahulugahan sa Pilipinong teenager ay makikita na lamang sa sosyo-kultural no konteksto. Ngunit napakalaki na talaga ng impluwensya ng Amerika sa mga kabataan ng Pilipinas ngayon, na di na maiiwasan ang pagbasa sa mga kabataan sa isang postmodernong konteksto. Sa pagbasa ni Tolentino (2001) sa mga pagusbong ng “uso” at ang revival ng “retro,” pinakita niya kung paano ang isang teenager, na kahit wala namang masyadong kakayahan finansyal ay ang nagpapausbong sa komersiyalismo ng pagkakaroon ng mga uso sa kultura. Gamit ang perang binibigay sa kanya ng kanyang mga magulang, gumagawa sila ng libo-libong mga transaksyon sa mundo na nagkakahalaga ng limpak-limpak na pera (ang mga kabataan sa buong mundo ay gumagastos ng $100 billion kada taon). Sa paguugnay ng kabataan sa kung ano ang uso, ito ang pakiramdam nila ang daan patungo sa pagkakakilanlan ng sarili. Nagkakaroon ng isang pakiramdam ng pagkahiwalay sa mundo (sense of alienation) ang mga kabataan kung wala silang kaalaman tungkol sa mga bagay na nangyayari sa mainstream na kultura. Masasabing iba-iba pa ang pagtanaw sa mga kulturang iyan, dala na rin ng pagkakaiba-iba ng mga nauuso sa pagitan ng iba’t ibang income classes. Iba ang pinamimilihan ng mga kabataang nabibiyayaan ng kanilang mga magulang ng mga credit card, doon sa batang kanto na kailangang maglako muna ng diyaryo para kumita.

Sa ikalawang pagbasa ng sanaysay ni Tolentino, nabanggit niya ang pagiging interkatibo ng kabataan ngayon. Inugat niya sa mga bata, kung saan hindi na uso ang paglalaro sa kalye, kundi nakukupkop na siya sa bahay at ginagawan ng mga birtwal na mga karanasan dala ng mga kompyuter games at iba pang midya. Mas kontrolado na ang mga elemento kaya’t ito na ang nagiging ideyal na paraan kung saan nagiging mas interaktibo ang kabataan, sa mga simulations na libre sa mga panganib na dala ng paglalaro sa labas o sa kalsada. Madalas ay may pagkabayolente ang dala ng midya sa tahanan ng Pilipino, ngunit sa ilalim ng dahas ay meron din natutunan ang mga kabataan. Isa na rito ang pagpapasensya, tiyaga, at pagkakaroon ng “team dynamics.” Kadalasan naman kasi ay pang-grupo ang mga midyang ito, at napapalawak ang pakikipagtalastasan sa kanilang kapwa.

Ang isang magandang epekto ng pagkainteraktibo ng kabataan ay ang pagkawala ng “technophobia.” Para sa kabataan, walang dapat ikatakot sa paggamit ng iba’t ibang mga uri ng teknolohiya dahil nakalakihan na nila ang iba’t ibang bagay na ito. Nakasama na sila sa henerasyon na madalas magnasa sa mga consumer electronics, at kaakibat na ng kanilang paglaki ang pagliit ng mga bagay na teknolohiya. Kaya’t kung ipagsasama ang dalawang konsepto ng pagkainterkatibo at pagsanib sa kultura ng uso, makikita natin na ang kabataan ngayon ay bihasa sa pagsama sa uso, na dito sa papel na ito, ay ang kultura ng pag-b-blog.

LAYUNIN

Nais ng papel na ito na ipag-ugnay ang paggamit ng blog ng kabataan at ang mga kaakibat na pagbabagong emotional at intelektwal na nangyayari sa kanila. Nais nitong suriin ang pagkakaroon ng depinisyon ng sarili ang isang teenager sa pamamagitan ng pamamahagi ng kanyang mga kuro-kuro tungkol sa kanyang pamilya, partikular na sa kanyang magulang (kung ano ang kanyang mga saloobin sa pamamalakad ng kanyang mga magulang o mga bagay na pinapagawa at hindi pinapagawa sa kanya); pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan (sa loob at labas ng “blogosphere”); at ang kanyang mga komentaryo sa mas malaking lipunan. Nais ng papel na ito na hubugin ang kabuuang epekto ng blog sa kabataang Pilipino ngayon.

TEORETIKAL NA BALANGKAS

Ang blog ay masasabing isang napakalaking rebolusyon sa Internet, dahil na rin siguro sa sistematikong pagbabago na nadulot nito sa iba’t ibang dako ng mundo kung saan ang pamamahayag ay limitado. Kaya’t mahalaga na tingnan ang isang modelo ng komunikasyon, at ang gagamitin sa papel na ito ay ang modelo ni Laswell. Napagusapan na ng pahapyaw ang modelong ito sa Sarbey na Kaugnay na Pagaaral (7). Ang modelong ito ay may pagka-linear o deretso ang implikasyon. Kung babalik tanawan ang mga mahahalagang aspketo nito, makikita na merong isang tao na may mensahe na gagamit ng isang midyum at kaakibat nito ang mga tagatanggap ng mensahe (o ang audience), at kung anong epekto meron ito sa mga nakatanggap. Dahil dito, makikitang ang modelo ay mas “persuasive” kaysa “informative.” Natutumpak itong modelong ito sa penomena ng pag-b-blog dahil ginawa ito ni Harold Laswell, na isang sosyolohista, para sa pangmadlang komunikasyon. Usisain natin ang bawat elemento. Sa modelo, naryan ang tagapagpahayag ng mensahe o ang Communicator. Sa penomena ng pag-b-blog, ito ang blogger. Siya ang may dala at nakikipagtalastas ng mensahe o ang Message, na binubuo ng kanyang mga saloobin, sawikain, at kuro-kuro. Ang kanyang mensahe ay pinapasantawid ng Midyum, na dito ay ang blog o ang personal na website na matatagpuan sa World Wide Web. Ang kanyang Audience ay mga blog readers. Isa sa mga nagpapatanyag ng modelo ni Laswell ay ang pagkakaroon ng epekto sa tinalagang audience. Makikita sa mga alam na midyum para sa pangmadlang komunikasyon, medyo pasibo ang epekto. Hindi nagiging tanyag ang epekto ng mensahe sa mga manonood. Maaring sa telebisyon ay makikita na lamang ang epekto sa dami ng tagapagtangkilik ng programa, kilala bilang “rating.” Hindi talaga nito nasasalamin ang mga reaksyon at komentaryo ng awdyens. Kung ihahantulad natin sa blog, mas napapabuti nito ang pagpapatunay ng epekto dahil sa feedback system. Kung titingnan mabuti ang ariketktura ng mga blog, halos karamihan ay mayroong nakatalagang lugar para magbigay ng saloobin ang mambabasa ng blog. Isasama sa papel na ito ang paganalisa ng mga komentaryong ito, at ang epekto sa pagiging cyclical na moda ng komunikasyon ang pag-b-blog. Isa itong demokratikong paraan ng pamamahayag at kailangan din suriin ang aspekto ng demokrasya pagdating sa karapatan na maipahayag ang sarili.

Kung titingnan mabuti, ang pagkakaroon ng kalayaan para maipahayag ang sarili ay isa sa mga pinakamahalagang elemento ng karapatan ng bawat mamamayan. Maraming kaakibat na responsibilidad ang pamamahayag, nandyan ang pagiging makatotohanan sa lahat ng pagkakataon. Ngunit, makikita rin naman sa iba’t ibang pag-aaral na ang katotohanan ay may suhebtibong pagtanggap, at naiiba-iba ang pagpapanayam natin sa katotohanan. Ngunit meron mga kilalang mga unibersal na katotohanan na mahirap ibahin. Magandang tingnan ang iba’t ibang suhebtibong perspektibo at iakibat ito sa iba’t ibang personalidad ng tipkal na blogger. Ang perspektibo ng isang blogger ay sumasalamin sa kanyang sariling panindigan at ang pagbuo niya ng konsepto ng kanyang sarili. Ang ideya ng pagbubuo ng imahen ng sarili ay masasali na rin sa heneral na teyorya ng psychoanalysis.

Depenisyon ng Termino

Alter-Ego – isang namamayaning personalidad na kabalintuan o hindi karaniwang personalidad na nakikita ng nakararami. Tinatawag din na secret identity kung minsan, at naunang gamitin sa mga superhero para maiba sa kanilang ordinaryong personalidad.

Avatar – tingnan ang salitang ICON.

Blog – pinaiksing web log, isang Online journal o personal website na pinamamahalan ng ordinaryong indibidwal na tinatawag na blogger

Blogger – ang taong namamahala sa isang blog

Blogosphere – ang birtwal na mundo na kinasasangkutan ng mga blogger, ang kanilang awdyens, at ang kanilang mga blog.

Camwhore – Pinagdikit na camera (cam) at whore (pokpok). Isang proseso ng pagkukuha ng litrato ng sarili para mapost sa blog ang mga litratong ito.

Computer Mediated Communication (CMC) – Ang sistematikong pagbabalangkas ng komunikasyong nagaganap sa tulong ng mga kompyuter.

Community – isang blog account na bumubuo ng mga kasaping bloggers sa isang sabjek o interes. Dito nila pwedeng pag-usapan ang kanilang mga hilig at mag-plano ng kaayat na pangyayari at mga salu-salo.

Drama – mga dramatikong pamamahayag na gamit ang blog. Maaring heavily dramatic at theatrical ang presentasyon ng isang post ng blogger o kaya naman ay madramang pag-aaway sa mga iba pang blog user – kilala ito bilang isang flame war.

Emoticons – mga simbolo na binubuo ng iba’t ibang keyboard characters para maipakita ang mga nararamdaman ng isang tao sa birtwal na realidad (Halimbawa: =), ^_^, ;oP)

Face-to-face Interactions – Alam din bilang FTF communication. Ito ang komunikasyon sa tunay na buhay kung saan kaharap ng dalawang nag-uusap ang isa’t isa.

Fandom – tawag sa mundo ng mga fan subcultures. Interesado sila sa fan fiction at mga teorya sa mga cultural artifact na kanilang dinadangal.

Flist – pinaiksing friends list sa LJ slang, isang pahina kung saan matatagpuan ang mga blog entries na mga tinalagang kaibigan ng isang blogger

Flame – isang opensibong komento o post.

HTML (hypertext mark-up language) – ang wika na ginagamit para mai-program ang mga website na nakikita sa Internet.

Icons – mga ginagamit na malilliit na letrato na kasama sa mg blog entries alam din bilang avatar o kaya naman ay userpic.

IMterview – pinaiksing Instant Messaging Interview. Inimbento ng manunulat dahil sa mga interview na naganap para sa pag-aaral na ito.

Internet – ang information superhighway, ang rebolusyon na pinamunuan ni Tim Beners-Lee kung saan ang mga tao ay malayang nakakapagpalitan ng mga impormasyon.

IRL – pinaiksing “In Real Life,” para mabigyan ng diskripsyon ang mga tunay na pangyayari na nangyayari sa tunay na buhay ng isang blogger

Links – isang paraan kung saan kapag pinindot ang mga ito ay mapupunta sa ibang webpage sa Internet. Kadalasan sa mga bloggers, ito ay ibang mga blogs.

LiveJournal (LJ) – isang blogging platform na popular sa Pilipinas at sa mga Pilipino bloggers.

Meme – salita ni Richard Dawkins na naglalarawan sa isang “cultural na transmission.” Ngayon, ito ang mga sarbey at test na nilalagay ang resulta sa mga blog para kunin din ng iba.

Photoblog – isang blog entry na merong mga letrato ng blogger at ng kanyang mga kaibigan at pamilya. Minsan ay naka “collage” pa ang mga ito, gamit ang Photoshop.

Post – maaring isang blog entry (blog post) o isang komento. Orihinal na konteksto ay “liham” (post office, at sa popular na kultura, kilalang-kilala ang mga post-its), naging kataga na para sa mga tekstwal na kontribusyon sa blogosphere.

Userpics – tingnan ang salitang ICONS.

METODOLOHIYA

Sa pag-aaral na ito, maraming ginamit na mga metodolohiya para makuha ang impormasyon at kagyat na suriin ang implikasyon ng mga impormasyong ito sa pag-aaral ng mga blog at ang kaugalian ng mga kabataan.

Ang unang sangkap na ginamit ay ang interbyu. Ngunit tulad ng nasabi, tinagurian itong IMterview. Ang isang IMterview (o IMterbyu sa Tagalog) ay nagaganap sa isang birtwal na espasyo. Ang mga nakapanayam ng mananaliksik ay kilala rin niya sa totoong buhay, ngunit kinagisnan niyang kapanayaman sila sa birtwal na espasyo dahil naayon ito sa kanyang pag-aaral. Dahil isa itong pagsusuri ng kanilang “Online persona” at ito ay napapailalim sa isang pagpapalagay na may bahid ng pagkaiba ang kanilang mga Online na sarili sa kanilang mga personalidad sa tunay na buhay. Maaring hindi ito totoo, ngunit mas naayon pa rin na ang setting ng interbyu ay ang parehong setting ng kanilang reyalidad kapag sila ay nag-b-blog. Bukod pa diyan, nagiging mas administratively feasible ang pag-tala ng mga napagusapan dahil deretsyo na ang mga sagot na nasa anyo ng mga salitang nakasulat. Hindi man ito ang unang konsiderasyon sa paggawa ng IMterbyu sa halip na magsagawa ng kumbensyonal na interbyu harap-harapan, nakikitang ang praktikalidad bilang isang bonus. Maaring hindi gaanong makikita ang mga real-time responses tulad ng reaksyon ng mukha sa mga tanong, ngunit hindi rin naman ito nangyayari sa mundo ng paghahalubilo sa blog. Naryan din ang mga emoticons na nagsisilbing mga simbolo ng mga nararamdaman ng mamahayag at ng napapayamanan niya. Tulad nga ng sinabi nila, kung gusto mong makapanayam ng mabuti ang isang mangingisda, pumunta ka sa plaisdahan.

Nagkaroon din ng kontroladong mga sarbey. Kaunti lamang mga respondents dahil iniwasan magkaroon ng bias ng mananaliksik sa kanyang mga kakilala. Kaya’t ang metodolohiyang ginamit ay ang random na mga sasagot ng sarbey. Iniwan ang mga tanong sa dalawang Online message board, ang Pinoy-exchange.com (PEX) at ang MTVAsia.com Graffiti Wall. Ang mga sumagot sa mga tanong ay mga nasa Pilipinas na edad 15 ~25. Mahalaga ang edad at lokasyon dahil limitado lamang ang sakop ng pag-aaral na ito sa mga bloggers na bata. Hindi na tiningnan ng sarbey ang katayuang sosyo-ekonomiko dahil isa na namang ideyang kailangan paniwalaan na ang karamihan ng makakapag-afford ng regular na akses sa Internet ay ang mga nasa klaseng gitna, pataas. Inilagay rin ang sarbey sa mga message board at hindi sa blog ng tagapagsaliksik dahil nais niya ring malaman ang distribusyon ng mga nagb-blog sa hindi nag-b-blog. Nakasalin din sa Ingles ang mga tanong, dahil ito ang wikang nakagisnan na sa cyberspace. Ang mga tanong ay makikita sa Appendix A.

Nagkaroon din ng pagsasaliksik para sa pag-aaral na ito. Dahil wala pang mga akdang nagawa at nalimbag tungkol sa pag-b-blog sa Pilipinas, ang mga stastics ay nanggaling rin sa mga Online sources, mga impormasyon na galing din sa mga pag-aaral na naganap sa akademya. Isa sa mga naging gabay at source para dito ay ang tesis nila Campilan at Lazatin, ang mga nanalo ng best tesis para sa nakaraang taong pang-akademiko dito sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

Ang huling metodolohiyang ginamit ay ang paggamit ng panunuring intertekstwal. Ang mga blog entry ay bahagi ng isang proseso ng komunikasyon at sa bawat interkasyon na nagaganap ay maraming pwedeng mabasa hindi lamang sa literal na konteksto kung hindi sa iba’t ibang mga aspekto ng katauhan ng manunulat, mga sitwasyon kung saan naitatala ang mga pangyayaring iyon, at iba pa.

SAKLAW NG PAG-AARAL

Malawak ang world wide web, at marami-rami na rin ang mga blogger na galing sa Pilipinas. Dahil particular para sa kabataan ang pag-aaral na ito, ang pagsusuri ay gagawin sa mga may edad na 15 – 25 taong gulang. Maaring ang mga sabjek ng analisis ay nagsimulang mag-blog sa mas batang gulang, ngunit sa kasalukuyan, sila ay nasa age bracket na iyan.

Ang pagsusuri ay gagawin din sa mga kabataang Pilipinong kasalukuyang nananatili sa Pilipinas, saan man dako, Luzon, Visayas at Mindanao. Halos lahat ay manggagaling sa mga taga-Metro Manila ngunit merong sumagot ng sarbey na galing sa ibang probinsya, at meron ding ilang bloggers na galing sa ibang probinsya na nag-aaral lamang ngayon sa Maynila. Mahalaga ang heograpikal na kalagayan dahil malakas din ang hatak ng metropolis sa mga technological trends, at ang pagka-uso ng pagsusulat bilang isang outlet ay mas makikita sa mga sentro ng akademiya, na alam natin, sa ating bansa, ay ang Maynila.

Ang mga isusuring mga blog posts ay karamihan nanggaling sa LiveJournal. Ang Pilipinas ang pang-anim na pinakapopular na bansa sa LiveJournal, at ito rin ang isa sa mga pinaka-popular na interface na ginagamit para sa pag-b-blog. Malaki-laki na rin ang Filipino LJ Community at maraming nagdadagsaang mga sub-community, isa sa pinakapopular ay ang peyups community para sa mga mag-aaral, propesor, at alumni ng Unibersidad.

Dahil na rin sa dami ng mga bloggers, pumili na lamang ang mananaliksik ng dalawang alegorikal na mga blogger na magrerepresenta sa mga kabataang blogger ng Pilipinas. Ang isa ay isang 17-taong-gulang na batang lalaki na nagsimulang mag-blog nung siya’y 12-taong-gulang pa lamang. Ang isa naman ay isang 18-taong-gulang na batang babae na merong dalawang blog accounts para sa dalawa niyang mundong ginagalawan. Mas pag-uusapan ang mga ugnayan ng mga personalidad na ito sa pagsusuri sa susunod na seksyon.

KAGYAT NA PAGSUSURI

Ang Batang Pilipinong Blogger

Ang kabataan sa kasalukuyan ang pinakamadalas na mag-blog sa buong mundo. Ayon sa statistical distribution sa LiveJournal, ang mga edad 15 hanggang 21 ang may pinakamaraming blog, lalo na sa mga 18 at 19 na taong gulang. Palibhasa maraming mga bagong karanasan, ang mga kabataang ito ay sabik sa mga bagong kaalaman tungkol sa kanilang mga sarili, at pagtala nito. Nung una, bago pa nauso ang paggamit ng Internet, marami-rami na rin ang gumagamit ng mga tradisyonal na talaarawan (ngunit wala masyadong lokal na pag-aaral na nagawa tungkol dito). Ang mga talaarawan na ito ay ginagamit bilang isang otobayograpikal (autobiographical) na bagay para sa mga indibidwal bago sila tumuntong ng “adulthood.”

Meron mga ilang kabataan na nag-b-blog dahil nais rin nilang maranasan mag-tala ng kanilang buhay ngunit tinatamad silang mag-“maintain” ng isang kwadernong kailangan nilang sulatan araw-araw. Marami na ngang kailangang sulatin sa paaralan, tapos isa pa itong magiging balakid. Merong iilan na gustong maging bihasa sa pagsusulat at pag-uulat ng mga bagay-bagay at nanaisin nilang magsimula sa kanilang mga sarili, ngunit iilan lamang ang mga tinaguraing “natural journalist” na mga ito.

Pagdating ng Internet at ang rebolusyon ng blog, natanggal na ang mga aspektong nakakatamad sa tradisyonal na pagtatala ng araw. Hindi mo na kailangang mag-sulat ng longhand, tila mas madali ang pag-pindot ng mga titik sa keyboard at ang pagpapaganda nito ay di hamak na mas madali. Madaling ayusin kapag nagkakamali, at madali rin balik-balikan, dahil kadalasan ang mga tala-arawan ay natatago sa ilalim ng unan o ng kama para hindi makita ng iba. May natural na pagkama-sikreto ang mga kabataang Pilipino. Dala na rin ng mga konserbatibong tradisyon, ang kahit anong deviation sa kahit anong konserbatibo ay maaring tingnan bilang kasamaan, kaya’t itatago na lamang ang mga ito. Kahit papaano, ang mga nagtatala ay may itinatalagang “outlet” ng kanilang mga saloobin, miski na may bahid ito ng pagkakaroon ng deviation sa kung ano ang konserbatibo, kung ikukumpara sa mga hindi mailabas ang kanilang saloobin dahil tinatamad sila. Nagkakaroon ng tinatawag na “repression” ng mga desire, at ang pagkimikim ng saloobin ay maaring magdulot ng masasamang epekto.

Ngunit hindi lang limitado sa mga ma-sikreto ang kabataan ngayon, meron ding iilan na napaka-bukas sa kanilang buhay. Lahat na siguro ng makukwentohan ng kanilang buhay ay nakukwentohan nila. Dala na rin siguro ng liberalismo ng ika-dalawampung siglo, at pananakop ng mga Amerikano, meron rin namang trend na maging bukas sa anumang bagay, lalo na sa mga kaibigan na parating kapanayam ng mga kabataan ngayon (kung ikukumpara sa iba pa nilang social influences).

Maraming mga aspekto kung saan ang extrovism at introvism ay nangyayari, ngunit kakaunti lang naman ang mga nasa ekstremong mga dulo nito. Kadalasan sa mga kabataan ngayon ay nasa gitna, ang mga ambiverts, na may mga pagkakataon na nanunumbalik ang pagkakonserbatibo at pagkamasikreto, at minsan naman, ay nagiging mas malaya sa kanilang pamamahayag. Ang pag-b-blog ay nananangkilik sa parehong personalidad at nagkakaroon pa nga ng “reconciliation” ang ito dahil kapagnabasa ng isang introsibong kabataan na hindi siya nag-iisa sa kanyang nararanasan, napapadali ang kanyang paglabas ng kanyang saloobin. Samantala, dahil madaling mabasa ng publiko ang mga nalalaman ng isang blog, ito ang perpektong bagay para maipahayag ng isang ekstrosibo ang kanyang mga sanaysay.

Malaki rin ang ginagampanan ng midya sa buhay ng mga kabataan ngayon. Lalo na’t ang mga kompyuter ay mas madali ng ma-akses kung saan-saan: sa bahay, sa paaralan, kahit sa mga shopping malls ay may mga kompyuter na rin, kailangang makibagay ang mga kabataan. Tulad ng nangyari sa Friendster, merong natural na may response ang kabataan sa mga trend sa midya. Hindi man ito ang pangunahing dahilan kung bakit nag-b-blog ang kabataan, iba’t iba rin ang dahilan ng kanilang pagka-loko at pagsimula sa blog.

Fig 1. Ang dahilan ng pag-b-blog ng kabataan ngayon
Karamihan ng mga kabataang bloggers ay naaangkop sa middle at upper socio-economic income brackets. Kung hindi mga pribadong institusyon, galing sila sa Science magnet high schools o kaya naman sa Unibersidad ng Pilipinas na alam natin sa ngayon ay tinaguriang unibersidad na para sa mga middle class. Ayon sa teorya ni Steven D. Levitt, ang katalinuhan, kahit hindi ito namamana, ay kasalukuyang namamayani sa middle – upper class. Kadalasan, para kumita sa ganung braket, ang mga namumuno ng mga household na iyon ay naka-tapos man lang ng kolehiyo. Maari din namang nakatapos sila ng mas matataas na digri. Ang punto dito ay ang mga may pinag-aralan ay ang kumikita ng maayos, maayos para magbigay ng magandang edukasyon sa kanilang mga anak at isang atmosphere na mag-eenganyo sa mga kabataan na umasal na edukada. Dahil dito, kahit na ang mga science schools at ang UP ay tinayo para sa mga hindi kayang makapagbayad ng mga pribadong institusyon, ginagawa na lamang itong achievements mill ng mga middle class, ang mga kayang magbayad sa mga mamahaling institusyon ngunit gigipitin. Madalang ang mga blogger na hindi nanggagaling sa mga paaralang pribado, o special government instutions, kaya’t masasabiing ang 90% ay nasa income bracket na mga iyon.

Ngayon natalakay na ang socio-income distrubtion at pahapyaw na binase ang argumento sa kamalayan ng mga paaralan ng mga kabataang nag-b-blog, hati pa rin ang bilang sa age-bracket na nasa high school pa at yaong nasa kolehiyo. Nagiging isang nakakahikayat na blog chronicles ang pagtungtong ng mga high school bloggers sa kolehiyo, bilang isang simbolo ng paglaki at maturity. Itinalakay mabuti ni Steven Levy sa kanayng artikulo tungkol sa isang teenager na nagngangalan na Aaron Swartz tungkol sa kanyang mga unang araw sa Stanford. Kahit na kanluranin ang ehemplong ito, sinasabi ni Levy na ang blog ay nagiging isang malinaw na paglalarawan kung ano na nga ba an kalagayan ng mga kolehiyo sa lipunan, at isang namamayaning deskripsyon ng buhay sa campus.

Nasa-isyu na tayo ng “personal growth.” Ang isa sa pinaka-unang blogger sa ating bansa ay nagsimulang mag-blog noong siya ay 10 taong gulang pa lamang. 1996 siya nagsimula ng mala-diary na website na hindi pa tinatawag na blog nung panahong iyon. Si Lauren Dado ay kasalukuyang 19-taong-gulang na at nag-aaral sa Ateneo de Manila University. Ang kanyang domain ay namamalagi pa ring tala ng kanyang buhay sa kolehiyo.

Sa pag-b-blog, ang blogger ay merong in-a-assume na persona. Kadalasan, ito’y nagiging ekstensyon ng kanyang sarili at nagiging self-reflexive ang blog at sinasalamin nito ang tunay na mga katangian ng isang indibidwal. Kahit na walang one-to-one correspondence sa personality ng isang blogger sa tunay niyang katauhan, wala siyang radikal na pagbabagong ginagawa sa kanyang sarili para sa kanyang mga mangbabasa. Kung hindi, mawawala na ang silbi nito bilang isang outlet at iba pang karakit na epekto ng pag-tago ng identidad na itatalakay sa ibang bahagi.

Minsan, hindi naman isang alter-ego ang niliikha ng blogger para aliwin ang kanyang sarili. Gumagawa siya ng interest-based personality. Sa pakikipanayam ko sa aking babaeng ininterbyu, wala naman siyang kinakailangang baguhin sa kanyang personalidad, ngunit yun nga lang, hindi niya binibigay ang ilang mga impormasyon kung hindi kinakailangan. Sa kanyang “alter-ego journal,” madalas lang niyang talakayin ang kanyang Fandom at paminsan-minsan nag-rereklamo sa kanyang mga sitwasyon sa tunay na buhay. Ang lahat ng ito ay naglalarawan sa mga Pilipinong blogger, tingnan naman natin kung ano ang katangian ng blog bilang isang midyum na nagiging tulay ng kabataang Pilipino para sa pamamahayag ng kanyang sarili.

Ang Blog Bilang Isang Midyum

Hindi lamang sa sinusulat ng blogger nakikita ang mga katangiang nabanggit kanina. Maraming kagyat na aspekto ang mga blog para masalamin ang saloobin at heneral na mga interes ng kabataang Pilipino ngayon.

Una na siguro dito ang packaging ng buong blog. Nakikita ito sa tinatawag na layout. Noong una, limitado lamang ang mga blog sa mga nakakaintindi ng programming language ng HTML o hypertext marukup language. Masasabi naman nating may kayang intindinhin ang wikang ito ng ating kabataan, ngunit kung kailangan pa talaga nilang kabisaduhin ang kumbensyong ito, wala na sigurong gaanong mag-b-blog. Dahil sa mga developers na nagpapadali sa pag-customize ng mga blog, 90% ng mga taong Online ay gumagamit ng blog (ayon sa bilang ng mga sumagot ng sarbey – na may minor na pagkakamali dahil kakaunti lamang ang nagsabing hindi sila nag-b-blog, palibhasa dahil mahirap sigurong humanap ng sasagot ng sarbey na para sa blog kung hindi ka isang blogger). Kung titingnan din sa sarbey ang mga gumagamit ng blog, ang karamihan sa kanila ay gumagamit ng LiveJournal (LJ) at Xanga. Sunod ay ang Blogger at Wordpress. Sa LJ, Xanga, at Blogger, madaling gumawa ng blog account at madali pa itong i-customize dahil maraming mga default na layout at kung binibibbo ay pwedeng pag-aralan ang mga advanced customization techniques. Dahil dito, pwede nilang palitan ang background ng kanilang mga blog, lagyan ito ng header, iba-ibahin ang posisyon kung saan nakalagay ang kanilang mga isusulat, at iba pa. Sa Wordpress naman ay mas komplikado, ang layout ay nangangailangan ng Cascading Style Sheets (CSS) ngunit madali rin namang kumuha ng mga template na disenyo na maari nalang baguhin ng user kung paano niya gusto. Wala lang siguro sa naserbeyan ngunit marami-rami rin ang gumagamit ng Tabulas, sa katunayan, mga Pilipino ang may pinakamaraming account dito, talo pa natin ang US. Kahit 2,091 blogs lamang ang nasa Tabulas, halos lahat ng mga bagong update ay nakasalin sa Filipino.

Bukod pa riyan, ang mga “push-button publishing devices” (salitang ginagamit ng blogger/blogspot sa kanilang programa) ay napapadaling gumawa ng profile pages para sa mga manggagamit. Ang mga user ay maaring maglagay ng mga basic na impormasyon tulad kung nasaan sila, ang kanilang kaarawan, mga interes, mga kaibigan sa network ng pag-b-blog na iyon, at mga website na gusto niyang puntahan (ginagawan ng link). Naryan din ang kanyang usericon na pwedeng bagu-baguhin. Kadalasan sa mga userpic ay ang mukha ng gumagamit, kung hindi naman ay ang mga larawan ng kanilang interes. Maraming mga icon communities na tumutlong gumawa ng mga icon na pang-display sa blog, at meron ding mga gawa na. Sa katunayang, merong OPM_icons at pinoy_icons na mga community para sa mga icon na may bahid ng pagka-Pinoy at doon sa mga mahihilig sa lokal na banda. Malayang makakapili ang mga manggagamit ng LJ ng tatlo (sa mga libreng account) na userpics habang 15-100 sa mga nagbabayad ng kanialng account.

Ang blog accounts ay madaling na-a-akses sa publiko. Kung gustong ibigay ng isang user ang kanyang blog address, kadalasan ito ay binubuo lamang ng blogserver at username na pinagsama. Halimbawa:

http://www.livejournal.com/users/celeni

Dahil dito, ang akses sa midyum na ito ay napakadali. Kung nais ng user, meron ding pagkakataon na nahahanap pa ito sa mga search engine. Lumabas ng ngayon ang tinatawag na “Google Blog Search” [http://www.google.com/blogsearch], gawa ng isa sa pinakamalaking Internet enterprises sa mundo, ang google. Madali rin namang patayin ang mga feature na napapadali ang paghanap ng blog ng isang tao sa “surfing public” para mas pribado ang dating ng isang Online journal. Meron din mga iilan na kumukuha ng kanilang sariling mga domain para mas personal ang dating ng kanilang mga blog. Isa na rito ang http://www.bikoy.net , www.laurganism.com, kung saan binbili ito sa nakatakdang panahon.

Ang Mensahe ng mga Blog

Iba’t iba ang uri ng mga blog post ng iba’t ibang indibidwal. Kadalasan, ang mga post ay komposisyon ng iba’t ibang uri ng tipo ng blog na iyon ngunit talakayin pa rin natin ng isa-isa

Unang tipo ng blog ay ay ang tumatalakay ng mga pangyayari sa buhay-buhay. Halos 30% ng mga blog ay nahuhulog sa kategoryang ito. Dito sinasalaysay ng blogger ang mga karansan at pagtala ng kanyang mga ginawa sa araw na iyon. Ito rin ang tradisyunal na kadalasang nasusulat sa mga talaarawan. Maaring dito binabahagi ng blogger ang kanyang personal na alaala at kung bakit di dapat malimutan ang mga pangyayaring iyon. Maari rin dahil alam niyang ang mga taong kasapi sa mga pangyayaring yun ay nagbabasa rin, at para maalala nila. Minsan, may mga magkakaibigan na tumatalakay sa isang pangyayaring nangyari sa kanilang magkakabarkada. Nagkakaroon ng maraming bersyon ang iba’t ibang pangyayaring iyon, at napapadali rin ang akses sa iba’t ibang bersyon dahil kadalasan ang blogger ay naglalagay ng links ng mga blogger niyang kasama sa karanasang iyon. Merong mga pahapyaw lang mag-kwento at meron din namang sobrang ma-detalye sa mga pangyayari ng kanilang mga buhay. Kahit hindi nababasa itong buong-buo ng mga mambabasa, pinapasangtawid pa rin ng blogger ang kanyang mga karansan, para na rin siguro ma “immortalize” ito sa mga salitang nasusulat.

Pangalawang tipo ng mga blog entries ay ang mga komentaryo tungkol sa mga pangyayari sa lipunan at pulitika. Medyo seasonal ang mga entries na ito, lalo na kung merong krisis sa sistema tulad ng hindi pa nareresolbang Gloriagate scandals. Merong mga blogs tulad ng sa Philippine Center for Investigative Journalism na malaki ang ginagampanan sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa isyu, ngunit paano na nga ba ang boses ng kabataan? Nung nakaraang mga dekada, ang boses ng kabataan ay naririnig lamang kung sasali sila sa mga mobilisasyon o kasapi sila ng pangmadlang midya. Ngayon, mas nagiging demokratisado ang pamamahayag ng mga saloobin at personal na opinion ng kabataan sa mga pangyayari. Ang nakakaaliw pa ay nababasa mo rin ang mga saloobin ng mga anak ng mga pulitiko, at iba pang mga karakter na tila nasa sideline lamang. Maslumiliit ang mundo dahil sa mga blog, dahil pwede mong basahin ang blog ng kahit na sino at magkumentaryo tungkol dito. Ang karapatang sibil na pamamahayag ng sarili ay napapatnubayan din dahil dito. Kung tutuusin, ang sociopolitical commentaries nga ang nagpapalaganap ng kultura ng blog sa kanluranin. Ang nakaraang American presidential election ay nabahiran ng impluwensya ng mga blogger sa Amerika. Nagkaroon pa nga ng isyu kung saan merong bumisitang mga Secret Service officials sa isang blogger na nang-lait sa Pangulong Bush. Naging tanong ulit ang kalayaan ng pamamahayag dahil dito. Kahit sa ating bansa, merong mga kabataang nagsi-blog tungkol sa kanilang mga piniling kandidato sa 2004 Presidential Elections noong Mayo. Hanggang ngayon, dahil sa Impeachment/Resignation ay madalas pa ring pinag-uusapan ang mga ito.

Ikatlo ay ang mga “cultural reviews.” Tulad ng nasabi sa sarbey ng kaugnay na pag-aaral, ang mga kabataan ang unang nagpapalaganap ng mga “uso.” Nakaakibat din sa mga interes ng kabataang ito ang kanilang mga ni-re-review. Kung mahilig sila sa mga bandang Pinoy, pag-uusapan nila ang bawat palabas ng bandang iyon. Nung nauso ang Asian telenovelas at mga mala-pantasyang teleserye, marami ang nagbibigay ng kanilang mga palagay sa mga pangyayari sa mga ito. Karamihan ng mga cultural reviews ay natutuon sa pelikula. Kung ikukumpura sa mga teleserye, medyo time-targetive ang mga pelikula, may isa hanggang tatlong lingo lang ito namamalagi sa mga sinehan, kaya’t minamabuti ng mga blogger na bantaan ang mga manonood tungkol sa mga pelikulang nagustuhan nila at inaakit ang kanilang mga kaibigan na panoorin ito; at kung napangitan naman sila, mabalaan ang mga nagbabalak manood nito. Dito na rin papasok ang mga panatikong bahagi ng mga fandom. Dito nila nilalagay ang mga pag-uusap tungkol sa objek ng kanilang pagkapanatisimo. Halimbawa ay ang Harry Potter. Isa itong world-wide phenomena at hindi hiwalay ang mga Pilipino sa pagkaloko sa aklat na ito. Ginamit ang blog sa paglalabas ng mga rebyu tungkol sa pinakabagong aklat, mga teorya na mangyayari sa susunod, at mga kwentong imbento ng user na tinatawag na fanfic. Ang fanfic nga ang isa sa nagpalaganap ng kultura ng blog bilang isang subkultura ng fanatisismo.

Kaya’t ang pang-apat na uri ng mga blog entries ay yaong mga personal na literatura. Hindi na ito mga naratibo o komentaryo lamang, ito na yung mga tula, awit, kwento, at minsan pa nga ay mga nobela. Minsan, ninanais ng manunulat na bigyan siya ng konstruktibong kritisismo sa kanyang mga akda. Dahil marami rin ang walang magawa, natatanggap nila ito. Ito ang masmalikhaing pamamahayag ng kanilang mga saloobin, kung saan nahahasa ang user na patnubayan ang kanyang mga damdamin labas sa kumbensyonal na pamamahayag.

Kung arte na lamang ang batayan ng mga blog entries, kung hindi nadadaan sa salita ay sa larawan na lamang. Sabi nga nila “picture paint a thousand words.” Dahil sa mga libreng photo servers tulad ng photobucket.com at ang pagbagsak ng presyo ng digital camera at pagkauso ng mga cellphone na may camera, nahilig sa mga letrato ang kabataan ngayon. Walang konsepto ng pagka-“camera shy” sa mundo ng blog, kung tutuusin, karamihan sa mga Pilipino ay mayroong attachment sa mga litrato dahil sa namamayaning celebrity culture sa atin. Sa isang punto ng ating buhay, maaring ninais nating maging sikat at maging artista. Hindi nawawala sa kabataan ngayon ang complexity na ito, kaya’t ang camera at isang public domain ay nagpapadaling ma-fulfill ang mga kanaisang ito. Kahit hindi hubog ng modelo o walang mga talento ng pag-arte, nandun pa rin ang exposure sa publiko, at madali na ang pagpapa-star kaya sila nag ca-camwhore. Ang iba naman, hindi ang kanilang mga sarili ang pinamamahagi, kundi ang kanilang talento sa pagmamanipula ng kanilang mga letrato sa photoshop. Ginagawa nilang mga collage ang kanilang mga entries at nagiging kaaya-ayang scrapbook ang dating ng mga blog entries. Hindi limitado ang mga teknik na ito sa mga marurunong talaga dahil ang blog rin ay nagiging tulong para magturuan ng iba’t ibang mga pamamaraan ng paggawa ng blog, kung baga kukuha ka ng mga ideya at nagpapaturo. Meron talagang mga blog na dedikado sa paglagay ng mga tutorial kung paano gawiin ang mga kaartehan dito at doon. Hindi mo kailangang maging Visual Communication major para magawa ang mga ito. Ikatlong dahilan siguro ng pag-photoblog ay ang simpleng rason ng pamamahagi ng mga alaala. Mahilig ang mga Pilipinong magka-salu-salo at kung may pera, nagpapadala ng kopya ng letrato sa mga kaibigan. Mahilig tayong magpa-recopy ng mga letrato, basta nandun tayo. Dahil sa blog, napapadali ang pamamahagi ng mga letrato, at kasama na dito ang mga kuro-kuro sa mga kaganapang iyon, na mas madali pa kaysa mag-album.

Hindi rin maiiwasan na merong mga “angsty” entries ang kabataan ngayon. Sila nga naman ay bata pa, at maraming galit sa mundo. Ang mga emosyonal na entry ay dala na ng mga kaguluhan sa konsepto ng pag-ibig, hindi pagkaintindi sa magulang, at iba’t iba pang mga isyu ng kabataan ngayon. Maaring walang detalye, at kadalasan, malabo nga ang mga ito at limitado lang ang akses sa mga kaibigan ang mambabasa. Kadalasan, binibigyan ng emosyonal na suporta ng mga kaibigan ng blogger ang mga entry na ganito, kahit hindi nila gaanong maintindihan ang konteksto dahil maaring nanggagaliti rin sila. Hindi uso sa mga Pilipino ang magpatingin sa mga psychiatrist sa mga isyung ganyan, kaya’t madalas mga kaibigan talaga ang batayan ng emotional stability ng kabataan, at dahil sa blog, kahit naka-maskara ang mga indibidwal na ito sa tunay na mundo, hindi nahahadlang ang tunay nilang mga damdamin.

Ang huling uri ng blog entry ay ang meme. Tulad ng nasasabi sa depenisyon, ito ay mga sarbey at mga test na ginagawa na merong lumalabas na resulta. Ang resulta ay maaring mga masasayang kalokohan lamang na nakukuha sa mga logarithmic equations na kaakibat sa mga input tulad ng pangalan at edad, ngunit nakakatuwa pa rin kung natsamba sa kaugalian talaga ng blogger. Minsan naman nasa uri ito ng mga tanong na parang sarbey, mga top 10 favourite things, at mga request para sa mga letrato at iba pa. Meron pang nalalaman na “tagging” kung saan nakakapili ang blogger kung sinong gusto niyang sumagot pa ng meme.

Yun ang mga heneral na klasipikasyon ng mga blog entries. Maaring ang isang entry ay hybrid ng iba’t ibang uri ng mga blog entries na iyon, ngunit solid pa rin ang mensahe at ang pagsalamin nito sa manunulat.

Ang Mambabasa

Lahat ng nag-b-blog ay nagbabasa rin ng blog ng ibang tao. Ayon sa nagawang sarbey, karamihan ng kanilang mga binabasa ay ang mga hindi nila kakilala ngunit yung mga nasa parehong heograpikal na lugar. Susunod ay ang mga tunay nilang malalapit na mga kaibigan. Marami ring nagbabasa ng blog ng kanilang mga colleagues at kamag-aral at yun na ring mga acquaintances.

Nabanggit na ang konsepto ng isang “imagined audience” para sa mga personal website na ito. Dahil dito, merong bahid ng pagka-paranoid ang mga blogger, bukas sa posibilidad na kahit sino ay pwedeng magbasa ng kanilang mga blog entries. Kaya’t nauso ang paggawa ng mga “Friends Only” journals kung saan ang mga nasa “flist” ng blogger ang makakabasa ng kanyang mga entries. Meron pang kasamang mga “Friends Only banners” na tulad ng icon ay pinamamahagi rin sa mundo ng blog.

Nagiging isyu ngayon sa mga blogger ay ang pag-basa ng kanilang mga magulang ng kanilang blog entries. Nung araw pa ng makalumang talaarawan, kalaban din ng mga kabataan ang mahilig makialam na magulang. Karamihan sa mga blogger ay hindi alam ng kanilang mga magulang na sila’y merong journal na pampubliko, kung marunong nga silang mag-Internet pa nga. Babalik tayo sa konsepto ng pagka-mataguin ng mga kabataan. Madalas naman at wala sa tahanan ang mga modernong Pilipinong magulang, mas naalangan pa lalo ang mga kabataang itong ipamahagi ang kanilang mga saloobin.

Sa mga kaibigan namang nagbabasa, marami sa mga blogger ay pinapabasa ang kanilang mga blog sa kanilang kaibigan IRL. Meron din namang mga indibidwal na may mga nakikilalang mga iba’t ibang personalidad sa blogosphere dahil sa proseso ng networking at nagbabasahan na rin ng kanya-kanyang blog. Dahil dito, dalawa ang uri ng mga kaibigan na nagbabasa ng blog, yung mga Offline na kaibigan at mga Online friends.

Comment ka naman diyan!

Tulad ng nasabi tungkol sa modelo ni Laswell, mahalaga ang reaction ng mga mambabasa sa mensahe ng mga blogger. Lahat halos ng blogging interface ay nagbibigay ng oportunidad para mag-iwan ng komento ang sino mang makakabasa nung entry na iyon. Maraming uri ng mga komento. Una ay ang “affirmative response” kung saan tumutlong at nakaka-encourage ang mga salita para sa blogger. Kung isa itong gawang malikhain, isa itong pag-apruba sa mga ginawa ng blogger. Kung isa naman itong emosyunal na entry, isa itong pamamahayag na hindi siya nag-iisa. Iba’t iba ang mga affirmative na komentong ito.

Meron namang mga value-neutral, ito ay mga komento na hindi nakakasakit o hindi rin naman papuri. Maari itong tanong na di-opensibo o kaya naman request na i-add ang isang user sa flist at iba pa.

Kung merong affirmative responses, meron din namang negatibo. Merong mga kritisismo na natataon sa mga madaling i-target na mga indibidwal. Tinatawag ang mga negatibong komento na ito bilang isang “flame,” kung saan nagbabarahan, at nag-aaway ng verbal ang iba’t ibang mga user. Nagiging isang subkultura na rin ang “LJ Drama” kung saan merong mga indibidwal na sisiraan ang isa pang blogger at nagiging palitan ito ng siraan. Nangyayari rin ito sa tunay na buhay, ngunit sa mundo ng blog, isa itong “pastime” ng mga walang magawa sa buhay. Kadalasan, ang mga inosente sa mga bagay na ito ay nabibiktima ng malala na umaabot pa sapunto na binubura nila ang kanilang mga blog; samantala ang iba naman ay naaliw lang dito.

Hindi lang sa mga komento nangyayari ang reaction. Maaring isang buong blog post ang response ng isang blogger sa isa pa ng blogger. Ang linear na modelo ni Laswell ay nagiging isang kompliadkong cycle sa mundo ng blogging.

KONGKLUSYON

Maraming dahilan kung bakit nag-b-blog ang kabataang Pilipino ngayon. Nasasalamin ito sa itsura, laman, at mambabasa ng isang blogger na Pilipino. Dahil na rin sa mga pagbabagong teknolohikal, nakikita na merong mga bagay na tradisyunal na nanatili at namayagi na nilagay lang sa makabong pormal na teknolohikal. Hindi pa rin naiba ang heneral na kaugalian, at naryan pa rin ang pamumuno ng Pilipinong blogger dahil sa konsepto ng kung ano ang uso ay madaling mapalaganap dito.

Nasasalamin ng mga iba’t ibang uri ng blog ang mga katangian ng mga kabataang Pilipino. Hindi lang ito nagiging isang uri ng komunikasyon kung hindi pag-a-arkibo ng iba’t ibang uri ng mga pangyayari at iba pang kultural na kaganapan. Nagiging mas mahalaga ang papel ng mga kabataan kahit sa labas ng akademiya at ng kanilang paaralan.

Maari pang pag-igihin ang pag-aaral na ito kung titingnan mabuti ang pagkakapareha at pagkakaiba ng mga Pilipinong blogger kung ikukumpara sa buong mundo. Maari ring suriin ng mabuti ang mga Pilipinong blogger na lumipat sa ibang bansa, o yung tinatawag na mga Third-Culture Kids. Meron ding isang pag-aaral na magiging time-based, ang pagtanda ng mga batang bloggers sa adulthood, ang pagkumpara ng mga mag-aaral na nag-b-blog doon sa mga nagtatrabaho na (kahit na ang dalawa ay pwedeng sabay na mangyari).

Mahalaga ang boses ng kabataan, at ang blog ay nagiging tulay para dito.

BIBLIOGRAPIYA

Ball, J. (1962). Social deviancy and adolescent personality. Kentucky: University of Kentucky.

Bell, D. (2001) An introduction to cybercultures. London: Routledge.

Blood, R. (2000). Weblogs: a history and perspective. Rebecca's Pocket 7 September 2000. [On- line]. Available: http://www.rebeccablood.net/essays/weblog_history.html

Campilan & Lazatin. (2005). She blogs, he blogs, weBlog: power struggles between women and men in a patriarchal cyberspace. BA Communication Research Thesis, UP Diliman.

Dumredes, S. (1993). The Filipino family holding on… a celebration guide for family week. Quezon City: National Council of Churches in the Philippines.

Estampodor, L. (1987) The Relationship of some personal, family and social variables to the aptitudes and occupational interest of selected Filipino high school students. MA Psychology Thesis, UP Diliman.

Featherstone, M. & Burrows, R. (Editors). (1995). Cyberspace/cyberbodies/cyberpunk: cultures of technological embodiment. London: Stage Publications.

Fleming, C.M. (1948). Adolescence (its social psychology: with an introduction to recent findings from the fields of anthropology, physiology, medicine, psychometrics and sociometry). London: Routledge & Kegan Paul.

Glasner, J. (2005). We’re a hit in Manila ! Now what?. Wired News 31 Mar 2005. [On-line]. Available: http://wired.com/news/business/0,1367,67027,00.html.

Hine, C. (2000). Virtual Ethnography. London: Sage.

Levitt, S. & Dubner, S. (2005). Freakonomics. NY: HarperCollins.

Levy, S. (13 Dec 2004). What your college kid is really up to. Newsweek Dec 13 issue. [On-line]. Available: http://msnbc.msn.com/id/6646523/site/newsweek.

McCann-Erickson Ph. (April 1993). Portrait of the Filipino as a youth. Highlights. Makati City: McCann Erikcson Philippines study.

Mendez, P. & Jocano, F. (1979). The Filipino adolescent In a rural and an urban setting: a study in culture and education. Mendiola, Manila: CEU Research and Development Center.

Offer, D., Ostrov, E., et al. (1988). The teenage world: adolescents’ self-image in ten countries. NY: Plenum.

Peña, E. (1998). An Exploratory Study of Self-Complexity, Self-Construal, and Negative Emotion in Filipino Adolescent. MA Psychology Thesis, UP Diliman.

Sangil-de Luna, T. (2001). Cyberlove : a study on the development of internet-initiated relationships toward 'real time' romances. MA Speech Communication Thesis, UP Diliman.

Tolentino, R. (2001). Sa loob at labas ng mall kong sawi kaliluha’y siyang nangyayaring hari: ang pagkatuto at pagtatanghal ng kulturang popular. Quezon City: UP Press.

Unknown. (2005). Blog entries on the first ever Philippine blogging summit. [On-line]. Available: http://www.aspma.com/term/philippine-blogging-summit.html

3 comments:

  1. Maraming salamat sa iyong post.dahil dito nabibigyan mo ako ng ideya pang tulong sa aking mga takdang aralin .

    ReplyDelete
  2. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete